Saturday, July 11, 2009

BANGUNGOT

habang patuloy kang naglalakbay
at humahabi ng mga hibla ng mga sandali,
ang mga hubad na paa'y
nagdurugo
sa bawat tinik na nadaraanan,
ngunit di alintana
ang sakit at hapdi na dulot,
dahil ang gunita
ay abala
sa panandaling ligayang
hatid ng mga matang
binulag ng liwanag nitong mundong
puno ng paglilinlang at pagpapanggap.

habang patuloy kang lumalakad,
hila ang mga tanikalang
nakapulupot sa mga paa
at ang katawa'y nabibihisan
ng mga sapot ng pagkukunwari,
sa kaibuturan
ng iyongp uso,
isang pangarap ang nabubuo,
na balang araw
ay muling makalalakad
na hindi natatakot,
hindi nasasaktan,
hindi napapagal,
at muling lalaya.

at habang patuloy kang nangangarap,
patuloy ring hinihila
ng kumunoy
ang mga tanikalang
nakapulupot sa mga duguang paa;
patuloy ring nagdidilim ang paningin
sa liwanag
na bumubulag sa mga mata,
gawa ng panlilinlang at kapalaluan
ng mundong
pinili mong galawan;
wala ka nang kawala,
di ka na makakatakas,
huli na marahil ang lahat
dahil ayaw mong kalagan ang sarili
at ayaw mong bumitaw;
pinili mong malunod.
huli na talaga ang lahat.
paano ka pa lalaya
sa bangungot pinipilit mong
maging katotohanan
at sa katotohanang
ngayon ay isa nang
bangungot.

No comments:

Post a Comment